Panelo sa Planong Pagsasampa ng Kaso ng Kampo ni Matobato sa International Court: “Natatawa lang kami”

Larawan mula sa ABS CBN

Wala umaong basehan ang kasong isasampa ng kampo ni self-confessed hitman Edgar Matobato  sa International Criminal Court  (ICC) laban kay Pangulong Rodrigo Duterte; ayon sa kaniyang legal counsel  nitong Biyernes.

Sinabi ni Salvador Panelo na propaganda lamang ang planong pagsasampa ng kaso sa ICC ng kampo ni Matobato.

Definitely no basis. Ano, propaganda lang ‘yun as usual. Baka nga hindi entertainin yun eh…Walang basis eh. Syempre pag nag-file ka kailangan may dokumento ka, may pruweba ka,”  ani Panelo.

We’re not welcoming it. Natatawa lang kami. They’ve been saying that all over the years. The Human Rights commission [Commission on Human Rights or CHR], [Senator Leila] De Lima, [former CHR chairperson Etta] Rosales, they never filed any case. Kasi nga walang basis eh,” saad pa ni Panelo.

Dagdag pa ni Panelo, nakahanda silang tumugon kapag naisampa ng kampo ni Matobato ang kaso sa ICC; ayon sa ulat ng ABS CBN.

Ayon kay Jude Sabio, abogado ni Matobato, naghahanda na sila sa kasong isasampa  laban kay Duterte sa ICC.

Lilipad umano patungong Netherlands si Sabio ngayong taon upang isampa ang kasong “crimes against humanity” laban sa Pangulo.

Iniugnay ni Matobato si Pangulong Duterte sa diumano’y Davao Death Squad at extrajudicial killings sa Davao City.

Samantala, si Matobato ay sumuko sa Manila Police District at nagpiyansa sa kaniyang murder case.

Makailang ulit nang itinanggi ni Duterte ang diumano’y pagkakasangkot sa Davao Death Squad.

 

 

Source :

ABS CBN, GMA, PhilStar