Pangulong Duterte inatasan ang Philippine Navy na magtayo ng istruktura sa Benham Rise

Imahe mula sa Wikimapia Imahe mula sa Wikimapia

Inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Philippine Navy na magtayo ng mga istruktura sa Benham Rise – ang talampas sa ilalim ng Philippine Sea sa dakong silangan ng Isabela – bilang pagpapakita na pagmamay-ari ito ng Pilipinas.

Bukod sa pagtatayo ng mga istruktura ay ipinag-utos rin ni Pangulong Duterte ang pagpapatrulya sa lugar.

Ang utos ng Pangulo ay bunsod ng napaulat na namataan na naglalayag ang isang Chinese survey ship sa Benham Rise noong nakaraang taon.

Nagsagawa ng diplomatikong protesta ang Pilipinas sa China matapos masubaybayan na nagpabalik-balik ang sasasakyang-pandagat nito sa Benham Rise – na pinaniniwalaang mayaman sa deposito ng mineral at natural gas.

Ayon sa ulat ng InterAksyon, ikinatwiran umano ng China na ang ginawang paglalayag ng survey ship nito sa Benham rise ay isang normal na kalayaan sa paglalayag at karapatan sa inosenteng pagdaan.

Bagaman tinanggap ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang paliwanag ng China, maliwanag umano na hindi lang simpleng pagdaan ang ginawa ng barko nito dahil tumigil ito doon nang matagal na panahon.