[Panoorin] Akyat-Bahay, Patay Matapos Barilin ng May-ari ng Bahay

larawan mula sa video ng ABS CBN

Patay ang isang lalaki matapos makabarilan ang may-ari mismo ng  bahay sa Tanauan, Batangas City nitong Linggo ng madaling-araw.

Mapapanood sa CCTV ang  pagpasok ng isang  lalaki sa isang bahay sa Tanauan.

Madali siyang nakapasok dahil hindi naka-lock ang bagong gawang pinto. Ginamit ng suspek ang t-shirt upang matakpan ang kaniyang mukha at mapapansing ito’y nagmamanman.

Makikitang  may cellphone  na sa baywang ang lalaki na diumano’y nasungkit na nito sa bintana. Una niyang nilibot ang first floor ng bahay upang makuha na ang maaaring pakinabangan, ayon sa ulat ng ABS CBN.

Ngunit nagising sa ingay ang may-ari ng bahay na nasa ikalawang palapag. Ayon sa pulis, kinuha ng may-ari ang kaniyang lisensiyadong baril  at nang makapasok na ang suspek sa loob ng kuwarto ay nagkapalitan ng putok.

Pagpasok na ganyan since nabuksan na niya ang kuwarto, nauna, kuya huwag kayong gagalaw, biglang namutok so may tama rin ang victim natin dito,” ayon kay Supt. Robert Baesa, HEPE ng Tanauan PNP.

Nagtamo ng bala sa kanang balikat ang may-ari ng bahay ngunit nabaril din niya ng ilang beses ang suspek  na nagresulta sa pagkamatay nito.

Kinilala ang napatay na suspek na si Edwin Villasanta,  na ayon sa mga awtoridad ay may arrest warrant sa Gumaca Quezon dahil sa kasong pagnanakaw.

Narekober sa gilid ng bahay ang ilang gamit ng suspek.

Ayon sa may-ari ng bahay na tumangging magpakilala, may mga kasamahan umano si Villasanta na nagpulasan matapos ang insidente.

Nagsasagawa na ng  operasyon ang pulisya upang mahuli ang mga sinasabing kasamahan ni Villasanta.

Panoorin ang video na ito ng ABS CBN:

Source :

ABS CBN