[Panoorin] Mga Kawani ng Pamahalaan, ‘Retired Judge’, Nabiktima ng ATM Skimming

Image capture of video by ABS-CBN News via You Tube account

“Galit at dismaya ang naramdaman ng mga biktima dahil sa mga perang ninakaw sa kanilang ATM.”

(Cebu, Philippines) Ilan sa mga kawani ng pamahalaan at isang retired judge ang nabiktima ng Automated Teller Machine (ATM) skimming.

Ayon kay Rosalie Baguio, accountant ng  Population of Commission (POPCOM 7) sa Cebu, magwi-withdraw sana siya ng P8,000 sa LANDBANK para sa early enrollment ng kanyang dalawang anak, subalit nalimas ang laman ng kanyang ATM.

Ayon sa ulat ng TV Patrol, hindi nag-iisa si Baguio sa mga nabiktima ng ATM skimming. Nabiktima rin si Atty. Bruce Bargas, regional director ng POPCOM. Ani Bruce, nawalan din siya ng P20,000.

Ani Bargas, may dalawa pa siyang empledyado na nabiktima ng unauthorized withdrawal. Paliwanag pa niya, nakuhanan sila ng P50,000.

Bukod sa mga taga-POPCOM, nasimot rin ang pera ng dalawang empleyado ng National Food Authority (NFA) na nag-withdraw sa kaparehong branch ng LANDBANK. Laking panghihinayang ng dalawa dahil pambayad utang at panggastos sana ang nasabing pera.

Pinakamasaklap ang nangyari sa retired judge na natangayan ng P100,000.

Kinumpirma ni Manuel Jose Infante, vice president ng East Visayas branches of LANDBANK of the Philippines, may nagkabit ng skimming device sa kanilang ATM.

Nakuha sa CCTV ang isa sa dalawang kahinahinalang lalaki na naglagay ng skimming device sa nasabing ATM. Ngunit hindi pa inilalabas ang buong footage.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI).

Nangako rin ang LANDBANK na maibabalik ang mga perang nanakaw sa loob ng dalawa hanggang tatlong buwan.

Plano rin ng LANDBANK na palitan lahat ng microchip ang lahat ng ATM cards ng kanilang mga customer ngayong Mayo.

Panoorin ang iba pang detalye sa video na ito: