Paolo sa kissing scene kasama si Derek: Hindi ko iniisip, hayaan ko na lang dumating

Mga imahe mula sa Facebook

Kung magkakaroon ng kissing scene ang aktor na si Paolo Ballesteros sa isa pang aktor, papayag kaya ito?

Ayon sa PEP, natanong si Ballesteros sa contract-signing niya sa Regal Films kamakailan kung paano ang “partnership” nila ni Derek Ramsay sa upcoming movie nila.

“Hindi ko alam kung partner kami sa trabaho o sa pag-ibig ba. Pero either way, okay lang,” natatawang sagot ng Kapuso actor.

Sa kalaunan ay tinukso siya kung papayag ba siyang magkaroon ng kissing scene kasama si Derek.

“Hindi ko pa iniisip ang mga ganoong bagay. Hayaan ko na lang dumating. Basta maging maganda ‘yung gagawin namin,” tugon niya.

Muling pumirma ng kontrata si Ballesteros sa ilalim ng Regal Films at ang susunod niyang proyekto ay action-comedy movie kasama si Ramsay. Gayunman, nakasaad sa kanyang pinirmahang kontrata na gagawa siya ng dalawang pelikula.

Sa nasabing contract-signing, dumalo ang Regal Entertainment matriarch na si Mother Lily Monterverde, anak nitong si Roselle Monteverde-Teo, at ang manager ni Paolo na si Jojie Dingcong.

Action movie

Sinabi ni Ballesteros na sobrang nae-excite siya sa paggawa ng action movie.

“Mas excited ako actually do’n sa action part. Gusto ko pisikal. Gusto ko may ginagawa. It’s either yon, magta-transform, which is physical, dahil ako ang gumagawa, may comedy rin. Tapos ito may action pa,” saad niya.

Ginawa niyang halimbawa ng pagiging pisikal ang 2016 Metro Manila Film Fest entry niyang Die Beautiful kung saan ilang oras ang ginugol niya para sa kanyang make-up transformations.

Die Beautiful

Ang pelikulang Die Beautiful ang naging daan para makakuha ng karangalan si Ballesteros bilang Best Actor mula sa award-giving bodies sa loob at labas ng Pilipinas: sa 42nd Metro Manila Film Fest, at sa Tokyo International Film Festival.

Samantala, noong March 19, kinilala ang Die Beautiful bilang first runner up sa Best Mix Feature category ng OUTtv Audience Awards sa Roze Filmdagen Amsterdam LGBTQ Film Festival.

Gayunman, hindi raw dahil nakakuha na siya ng Best Actor trophies ay puro dramatic roles na lang ang  kanyang kukunin.

“Iniisip ko hindi naman ako gagawa ng film para kumpitensiyahin ang sarili ko. Hindi naman kailangan i-prove na kailangan Best Actor ka. I guess it depends din sa materyal sa story na hindi ko naman din hahayaan na ‘yung story ‘di ko gusto o feeling ko parang medyo waley,” paliwanag ni Ballesteros.

Hindi rin umano nangangahulugan na ang pipiliin niyang pelikula ay pang heavy drama o pang-awards na naman dahil gusto niya lang na maganda ang pelikulang maibibigay.