Pastor sa Saranggani, ipinakulong ang sariling misis at umano’y ‘lover’ nito

Image from Jamaica ObserverImage from Jamaica Observer

MAYNILA, Pilipinas – Isang 53-anyos na misis ang ipinakulong ng sariling asawa nito na isang pastor sa Sarangani province. Kasama ring inireklamo ng mister ang isang lalaki na naaktuhan niyang kasama ng kaniyang misis sa isang bahay.

Kinilala ng Bombo Radyo ang nagrereklamo na si Taurino Mer, 57-anyos, isang pastor at residente ng Barangay Cross sa bayan ng Glan ng nasabing probinsiya.

Samantala, ang inirereklamo naman ni Mer ay ang kaniyang misis at ang kanilang 50-anyos na kapitbahay at dating kasamahan sa simbahan  na residente ng Lansang Village, Barangay Sinawal.

Hinala umano ng pastor na may relasyon ang dalawa matapos itong maabutan na magkasama sa isang bahay.

Mariin namang itinanggi ng dalawang akusado ang mga paratang ni Mer at pinabulaanan din ng mga ito na magkasama silang dalawa na naabutan ng mga pulis sa naturang bahay.

Inireklamo din ng misis ng pastor na sinaktan siya ng kaniyang asawa at pinalayas pa sa kanilang bahay mahigit tatlong taon na ang nakararaan.

Ayon pa sa ulat, kasalukuyan nang nakakulong ang dalawa sa istasyon ng pulisya ng naturang bayan.

Source :

Bombo Radyo