Patuloy na paghahanap sa nawawalang OFW sa Saudi Arabia, ipinag-utos ni Pangulong Duterte

Images from PCG Jeddah/ DFN FilesImages from PCG Jeddah/ DFN Files

Pinag-utos na ni Pangulong Rodrigo R. Duterte ang paghahanap sa isang Filipina domestic helper na nawawala sa Saudi Arabia noon pang 2016. Ito ay hiniling ng isang sugatang sundalao sa pangulo nang makaharap niya ito.

Kinilala ang nawawalang domestic helper bilang si Diosalyn Seva. Ang humiling sa pangulo ay si Sgt. Michael Joe Fabian. Siya ay isa sa mga sundalong dinalaw ng pangulo sa ospital matapos masugatan sa isang sagupaan laban sa mga rebelde noong Agosto 2016.

Isang grupo ng Department of Foreign Affairs (DFA) na pinamumunuan ni Moh’d Noordin Pendosina Lomondot ng Assistance to National ng Office of Migrant Workers’ Affairs  ay nasa Saudi Arabia na upang tuntunin si Seva.

“Sometime in August dinalaw ni President Duterte ang mga wounded soldiers sa V. Luna Hospital. Isang wounded soldier na si Sgt. Michael Joe Fabian, ni-request niya sa President na sana ay mahanap ang kanyang missing kapatid dito sa Jeddah. So nag-commit si President Duterte na hanapin si Diosalyn Seva,” sabi ni Lomondot, ayon sa isang artikulo ng GMA News.

Hinggil sa nakalap na impormasyon ng DFA, nawala si Seva matapos niyang iwanan ang kanyang employer na umano’y minamaltrato siya.

“Ang purpose ng pagpunta natin dito ay para hanapin si OFW Diosalyn Seva. Si Diosalyn Seva ay pumunta ng Saudi sometime in October 2015. Nung March 2016 nag-run away siya, ang rason niya ay physical abuse, maltreatment at non-payment of salaries,” dagdag niya.

Ang grupong pinamumunuan ni Lomondot ngayon ay nakikipagtulungan na sa mga lokal na awtoridad sa Saudi Arabia. Kinausap na rin umano niya ang iba pang grupo ng mga Pilipino roon upang tumulong sa paghahanap kay Seva.

Nangako rin ang recruitment agency ni Seva sa Saudi Arabi na sila ay makikipagtulungan upang matunton agad ang Filipina, saad ni Lomondot.

Bukod kay Seva, anim pa umanong OFWs ang nawawala sa Saudi Arabia.

Kung may nakakaalam daw sa lokasyon ni Seva, maaari nilang tawagan ang Philippine Consulate sa Jeddah sa numerong 0555219613 o mag-email sa [email protected]

Loading...