PDEA, MPG muntik nang magka-engkwentro sa Cebu

Image capture of video by News 5

Dahil sa kawalan ng koordinasyon, muntik nang magkaroon ng engkwentro sa pagitan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at mga pulis na miyembro ng Mobile Patrol Group (MPG) sa Tres de Abril Street sa Cebu City Biyernes, ika-17 ng Marso.

Ayon sa ulat ng Sun Star, rumesponde umano ang MPG sa tawag ng isang concerned citizen na nag-report na may isang lalaki sa nasabing lugar na armado ng mataas na kalibre ng baril. Agad na kinompronta ng MPG ang lalaki na isa palang ahente ng PDEA Central Visayas na nagsasagawa ng isang buy-bust operation.

Dismayado si Senior Supt. Joel Doria, direktor ng Cebu City Police Office, sa PDEA-7 dahil hindi umano ito nakipag-coordinate sa pulisya bago nagsagawa ng operasyon. Aniya, kung nagkaroon ng mis-encounter sa pagitan ng dalawang grupo, walang ibang sisisihin kundi ang PDEA.

Hindi naman nagpahayag ng kanilang panig si PDEA-7 director Yogi Filemon Ruiz tungkol sa pangyayari.