Pinaghihinalaang miyembro ng ‘Termite Gang’, patay sa mga pulis-Batangas

Image capture of GMA News videoImage capture of GMA News video

MAYNILA, Pilipinas – Patay ang isang pinaghihinalaang miyembro ng notoryus na ‘Termite Gang’ matapos itong masakote ng mga pulis sa Calaca, Batangas nitong Miyerkules, ika-15 ng Marso.

Napag-alaman sa ulat na mayroong tumimbre sa mga pulis matapos makita sa CCTV ang dalawang lalaking ninanakawan ang isang pawnshop. Dumaan umano sa hukay sa ilalim ng nasabing establisimiyento ang mga magnanakaw at gumamit ng acythelene para makapasok sa mga rehas.

Nang papatakas na ang dalawa dala ang mga ninakaw na alahas, cellphone at laptop, nasabat ito ng mga pulis na nauwi sa engkuwentro.

Sugatan ang isang suspek na naisugod pa sa ospital subalit binawian din ng buhay. Samantala, nakatakas naman ang kasamahan nito na kasalukuyan nang tinutugis ng mga awtoridad. Inaalam pa ang pagkakakilanlan ng dalawang magnanakaw.

Hindi pa matukoy kung sangkot ang dalawa sa serye ng pagnanakaw sa katabing probinsiya ng Quezon nitong mga nagdaang buwan.

Noong Enero, tatlong establisimiyento sa Lucena City ang nilooban at ninakawan ng mga hindi pa nakikilalang mga salarin.

Iisa ang modus ng mga ito na huhukayin muna ang ilalim ng kanilang target na negosyo para makagawa ng tunnel saka bubutasin ang sahig ng mga ito bago isasagawa ang pagnanakaw.

Kabilang sa nabiktima ng grupo ang Rural Bank of Pagbilao Incorporated na nasa Dalahican Road, ang katabi nitong Solid Service Electronics Center at ang isang branch ng Western Union na nasa katabi ring gusali.