Pinay nurse sa UAE, kulong dahil sa pamemeke ng mga “sick leave form” na ibinebenta

Image from Emirates 24/7Image from Emirates 24/7

Kulong ang isang nurse na Filipina sa Abu Dhabi, United Arab Emirates (UAE) matapos itong mapatunayang responsable sa pamemeke ng mga ‘medical certificate’ na kaniyang ibinebenta para sa mga empleyadong gustong mag-file ng sick leave.

Kasamang naparusahan ng hindi pinangalanang Pinay nurse ang dalawang lalaking Emirati na kaniyang kakutsaba sa modus.

Ayon sa ulat ng Khaleej Times, ilegal na ginagamit ng nurse ang dokumento na may logo ng Abu Dhabi health authorities para sa mga sick leave, at saka lalagyan ng selyo at pirma ng mga doktor bago ibigay sa mga taong humihingi nito.

Sinisingil umano ng grupo ang bawat kliyente ng AED 50 (P685) bawat araw ng sick leave, AED100 (P1,370) para sa 2 araw at AED300 (P4100) kung maraming araw na.

Ang isang Emirati umano ang nag-aanunsiyo ng kanilang ‘serbisyo’ sa pamamagitan ng pagpapadala ng mga mensahe sa kanilang kliyente sa pamamagitan ng social media, habang ang isa naman ay siyang taga-deliver ng dokumento.

Iginiit ng tatlo na inosente sila sa mga akusasyon, subalit matibay umano ang ebidensiya na nakalap ng korte laban sa kanila.

Nahaharap ngayon ang tatlong akusado sa pagkakakulong ng hanggang limang taon.

Loading...