Planong mass shooting, bombing sa US school napigilan matapos mabasa ng ama ang diary ng anak na babae

Image from Frederick County Sheriff's OfficeImage from Frederick County Sheriff's Office

Napigilan ang plano ng isang 18-anyos na babaeng estudyante na magsagawa ng shooting at bombing attacks sa kanilang paaralan sa Maryland sa  Estados Unidos noong nakaraang linggo.

Ayon sa Syracuse, napigilan ang planong pag-atake nang mabasa ng ama ang diary ng kanyang anak na si Nichole Cevario, isang honor student sa Catoctin High School sa Thurmont, Maryland.

Agad umanong tinawagan ng ama ang paaralan upang sabihin ang natuklasan niya. Dinala ng school authorities ang suspek sa pagamutan upang isailalim sa isang mental evaluation bago siya isinuko sa mga awtoridad.

Natagpuan sa bahay ng suspek ang isang shotgun at mga bala nito, at mga materyales sa paggawa ng bomba. Nakuha rin ang diary kung saan malinaw na nakadetalye ang planong pag-atake. Matagal na umanong pinagpaplanuhan ng suspek ang gagawing pamamaril at pambobomba. Sa katunayan, nagtanong pa umano ito sa isang opisyal ng paaralan kung paano rumesponde ang mga pulis sa mga insidente ng pamamaril.

Sa ika-5 ng Abril sana nakatakda ang pag-atake kung hindi nabisto ng ama ang kanyang plano. Handa rin umano siyang mamatay sa kanyang gagawin.

Pagkabilanggo ng hanggang 25 taon ang pinakamataas na sentensiya sa kasong kinahaharap ng suspek.

 

 

 

 

Loading...