Poe, Inawat ang PNP, Ibang Sektor sa Tamang Salita ng Patayan; Proteksyon sa mga Pilipino, Higit na Mahalaga

Larawan mula sa Grace Poe via Facebook page

Inawat ni Senador Grace Poe ang bangayan ng Philippine National Police (PNP) at ng ibang sektor hinggil sa angkop na salita na dapat gamitin sa mga patayan na nangyayari sa bansa at iginiit na ang proteksyon sa mga Pilipino ang higit na mahalaga.

Ani Poe, dapat protektahan ng pamahalaan at ng pulisya ang bawat Pilipino lalo na ang mga mahihirap.

Ayon kay Poe, hindi dapat malihis ang usapin ng katarungan para sa mga pinatay na walang paglilitis.

Ayon sa ulat ng Bombo Radyo, pinuna ng PNP na hindi extra judicial killings (EJK) ang lahat ng naitatalang kaso ng pagpatay. Dagdag pa nila na hindi rin tama ang inilabas ng international community.

Iginiit naman ni Poe na imbis pagtalunan ang tamang salita na dapat gamitin, kailangan makamit ng mga biktima at mga namatayan ang katarungan; pulis man ang may kasalanan o hindi.