Policewoman patay sa pananambang ng riding-in-tandem sa Maynila

Images from Bie Jay Quimno Cruz Facebook posts

MAYNILA, Pilipinas – Hindi na umabot nang buhay sa pagamutan ang isang babaing pulis na tinambangan at pinagbabaril ng dalawang lalaking nakamotorsiklo Linggo ng gabi sa lungsod ng Maynila.

Patay sa pamamaril si PO1 Jorsan Marie Alafriz na noon ay papasok pa lamang sa kaniyang trabaho sa Barbosa Police Station sa Sta. Cruz kung saan siya nakatalaga bilang beat patroller.

Ayon sa mga nakasaksi, sakay si Alafriz ng kaniyang kotse sa kahabaan ng Recto Avenue nang pagbabarilin ito ng riding-in-tandem. Nabangga pa umano ng sasakyan ng biktima ang ilang tricycle na nakaparada sa tabi ng kalsada matapos ang pananambang.

Kaagad namang tumalilis ang dalawang suspek sakay ng kanilang motorsiklo.

Naisugod pa sa pagamutan si Alafriz subalit idineklara itong dead-on-arrival dahil sa mga tinamong tama ng bala sa ulo at kamay.

Narekober sa pinangyarihan ng krimen ang halos isang dosena ng basyo ng bala na pinaghihinalaang mula sa isang caliber .9mm na baril.

Patuloy pa ang imbestigasyon sa kaso at inaalam pa rin ang motibo sa likod ng pamamaslang. Ayon sa mga kasamahan ni Alafriz, limang buwan pa lamang itong naka-assign sa kaniyang duty sa Barbosa.

Ulat mula sa GMA News: