Policewoman pinaghahahanap na matapos barilin ang asawa ng dating GF

Image from DFN FilesImage from DFN Files

MAYNILA, Pilipinas – Isang babaing pulis sa Quezon City ang pinaghahanap ngayon ng kaniyang mga kabaro matapos masangkot sa pamamaril sa asawa ng kaniyang dating lover nitong Lunes, ika-27 ng Marso.

Kinilala ng Quezon City Police District (QCPD) ang suspek na si PO1 Wealyn Ojastro na nakatalaga sa Novaliches police station.

Ayon sa mga ulat, sinugod ni Ojastro ang bahay ni Mark Kevin Tumbaga, 33 anyos, at asawa nitong si Glaiza, 31 anyos,  sa Naval Street sa Barangay Sauyo. Dati umanong nagkaroon ng maikling relasyon sina Ojastro at si Glaiza, subalit bumalik na ang huli sa kaniyang tunay na asawa.

Nang makitang kumakatok sa kanilang bahay ang babaing pulis, hindi umano ito pinapasok ni Tumbaga dahil armado. Subalit binasag ng suspek ang bintanang salamin ng bahay at ibinalibag ang bubog kay Tumbaga, sanhi para masugatan ang biktima.

Tinangka umanong awatin ni Glaiza ang pulis para maisugod sa pagamutan ang sugatang asawa. Pero sinipa ni Ojastro ang babae at binaril sa binti si Tumbaga bago tuluyang tumakas.

Umapela naman ang mga kasamahang pulis ni Ojastro na sumuko na ito habang desidido namang magsampa ng kaso ang mag-asawa laban sa suspek.

Loading...