QCPD: Kaso ng ‘missing’ na si Renzo Lopez, posibleng ‘mistaken identity’

Image from Help Us Find Renzo Facebook page

MAYNILA, Pilipinas – Posible umanong ‘mistaken identity’ ang kaso ng nawawalang 20 anyos na si Chito Lorenzo “Renzo” Lopez IV, ito ay ayon sa pamunuan ng Quezon City Police District (QCPD).

Si Lopez ay nawawala simula pa noong Marso 14 habang bumibili umano ng gamot para sa kaniyang maysakit na anak sa may IBP Road, Batasan Hills sa Quezon City.

Ayon sa mga nakakita, puwersahan umanong ipinasok si Lopez sa isang puting van na walang plaka ng mga lalaking may dalang baril.

Makalipas ang mahigit isang linggo ay wala pa ring impormasyon ang pulisya tungkol sa kinaroroonan ni Lopez. Umapela na rin ng tulong ang mga kaanak ng biktima sa social media sa pamamagitan ng Facebook page na “Help us Find Renzo”.

Sa panayam ng ABS-CBN News kay QCPD director Guillermo Eleazar, kulang pa ang kanilang lead sa kaso kaya humihingi rin siya ng tulong sa sinumang may impormasyon tungkol dito.

“Base sa initial assessment, wala naman po. Marami po tayong kino-consider…mistaken identity o meron iba siguro may galit sa kanya…ito lahat ay tinitingnan natin,” ani Eleazar.

Malabo rin umano ang anggulong drug-related ang kaso kaya hindi na nila ito pinagtutuunan ng pansin.

Ganunpaman, umaasa pa rin ang kapulisan na matatagpuan si Lopez nang buhay sa kabila ng walong araw na nitong pagkawala.

Image from Help Us Find Renzo Facebook page
Image from Help Us Find Renzo Facebook page

Humingi rin ng tulong ang ina ni Lopez sa posibleng nakakita sa kaniyang anak.

“Kung sinuman ang kumuha sa kanya, nagmamakaawa kami na ibalik na lang siya sa amin. At kung sakali man na may ginawang atraso sa kanila ang anak ko, humihingi kami ng tawad, sana patawarin na lang nila at ibalik sa amin alang-alang na po sa anak niya,” ito ang emosyonal na pahayag ng ina ng biktima na si Rosalie Lopez.

Ang sinumang nakakita kay Lopez o kaya ay may impormasyon tungkol sa kaniyang kalagayan ay maaaring tumawag sa 09276441971 o kaya ay magpadala ng mensahe sa Facebook page na “Help us Find Renzo”.