Radio program ni Mocha Uson, sinuspende dahil sa pagmura kay Robredo

Image capture from Mocha Uson Blog video via FacebookImage capture from Mocha Uson Blog video via Facebook

MAYNILA, Pilipinas – Suspendido ngayon ang programa ni Mocha Uson sa DZRH; ito ay matapos murahin at magbitaw ng mabibigat na salita ang kontrobersiyal na blogger laban kay Bise Presidente Leni Robredo.

Noong Marso 18, matinding pambabatikos ang ginawa ni Uson kay Robredo na tinawag niyang sinungaling, ‘peke’, bobo at tanga.

Ayon sa ulat ng Inquirer, inireklamo umano si Uson ng isang Jozy Acosta-Nisperos, miyembro ng grupong The Silent Majority.

“What Uson does for a living is none of our business, but in that live streaming, apparently she overstepped the boundaries of decency,” anang reklamo na ipinadala sa DZRH.

“Kasi nga sinungaling ka at fake news ka… Huwag mong araw-arawin ang katangahan mo! Expletive (bleeped out)… Bumili ka ng utak! … Nakakahawa na ‘yang katangahan mo … Sobra lang talagang nakakagalit ang kabobohan ng babae na to…’ ” ito umano ang mga binitawang salita ni Uson laban kay Robredo.

Dahil sa reklamo, pinatawan si Uson ng ‘indefinite suspension’ sa kaniyang programa.

Sa kabila nito, nananatiling nasa Facebook page na Mocha Uson Blog pa rin ang video ng naturang episode.

Samantala, ayaw namang patulan ng kampo ni Robredo ang mga patutsada ni Uson, na kilalang tagasuporta ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa halip, humingi na lamang ng respeto ang Office of the Vice President (OVP) sa lahat sa kabila ng kabi-kabilang pambabatikos ng mga kritiko ni Robredo.

“Nananawagan tayo na magkaroon tayo ng kaunting respeto, hindi lang dahil Pangalawang Pangulo ‘yung kinakausap natin, kundi kapwa tao natin ‘yung ating pinatutungkulan,” ani Georgina Hernandez, ang tagapagsalita ng OVP.

Panoorin ang video ni Mocha Uson: