Rep. Alejano, unang ipadadala ni Pangulong Duterte sa Spratlys kung gustong lumaban sa China

Image capture of video by ABS-CBN

May halong pang-uuyam na sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na una niyang aatasan si Magdalo Partylist Rep. Gary Alejano na lumaban sa puwersa ng China na umokupa sa ilang isla sa Spratlys.

Ayon sa Bombo Radyo, ang tinuran ng Pangulo ay isang reaksiyon sa impeachment complaint na inihain ng Alejano laban sa kanya at sa sinabi nito na maaaring isama sa reklamo ang alegasyon na may sikretong kasunduan umano ang China at si Pangulong Duterte tungkol sa Benham Rise.

Nauna nang inamin ni Pangulong Duterte na pinayagan niyang maglayag sa Benham Rise ang China.

“For one, if he wants to fight in China, he could lead… I would be glad to send him as the first batch of delegation of Filipinos who want to take the Spratly islands and all of these occupied now—sige. Siya ang mauna,” saad ng Pangulo sa kanyang talumpati sa harap ng mga Pinoy sa Myanmar.

[Kung gusto niyang labanan ang China, masaya akong ipadala siya bilang  isa sa unang pangkat ng mga delegadong Pilipino na gustong kunin ang Spratly Islands at lahat ng okupado. Sige, siya ang mauna.]

Ayon pa rin sa talumpati ng Pangulo, sa ngayon ay hindi pa kaya ng Pilipinas na pigilan ang China sa ginagawa nito sa West Philippine Sea.

“Di mapigilan kasi ‘di natin kaya ang China. Hindi nga mapigilan ng Amerikano. In the first place, pag-umpisa pa lang niyan, ‘di na napigilan ng Amerikano. Natakot na. May mga armas ‘yun, baril, eroplano, lahat. Ngayon tinutulak nila tayo para makipag-away. And it would be a massacre,” anang Pangulo.