Rep. Vilma Santos-Recto, hindi na nasorpresa sa pagkakatanggal sa puwesto

Image from Vilma Santos-Recto Facebook pageImage from Vilma Santos-Recto Facebook page

MAYNILA, Pilipinas – Inaasahan na umano ni Batangas Rep. Vilma Santos-Recto ang pagkakatanggal sa kaniya bilang chairman ng isang committee sa Mababang Kapulungan matapos ang kontrobersiyal na botohan sa death penalty bill noong nakaraang linggo.

Ang beteranang aktres at dating alkalde ng Lipa City ay isa sa mga mambabatas na tinanggal sa puwesto dahil sa kanilang pagboto laban sa naturang panukala. Siya ang dating may hawak ng House committee on Civil Service and Professional Regulation.

Subalit ayon kay Ate Vi, alam na niya ang mangyayari at naikondisyon na niya ang sarili dito. Iginiit din ng mambabatas na walang mababago sa kaniyang paniniwala sa kabila ng lahat.

“Kung ano ‘yung pinaniniwalaan mo, I guess ‘yun lang naman ang importante,” paliwanag ng kongresista sa panayam ng GMA News.

Si Ate Vi, tulad ng kaniyang asawa na si Senador Ralph Recto, ay miyembro ng Liberal Party (LP). Subalit kabaliktaran ng nangyari sa kaniya, ang senador ay hindi natanggal; bagkus ay nakaupo pa bilang Senate Pro-Tempore matapos ang balasahan sa Senado noong nakaraang buwan.

Ayon kay Ate Vi, wala rin silang balak kumalas sa supermajority coalition sa Mababang Kapulungan kahit pa natanggalan ng committee chairmanship.

“No, no, wala akong planong ganiyan. May discussion pa kami with LP. But nothing na mga ganiyang drastic move, wala naman,” paliwanag nito.

Maliban kay Ate Vi, natanggal din bilang Deputy Speaker for Luzon si dating pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo.

Wala pang inilalabas na opisyal na pahayag si Arroyo subalit may lumabas nang mga ulat na simpleng ‘thank you’ lamang ang naging mensahe sa pamamagitan ng text nito kay Speaker Pantaleon Alvarez.

Loading...