Road rage suspect, nakakulong na; umiwas at nagtago kaagad sa banyo

Image from Cebu Daily NewsImage from Cebu Daily News

MAYNILA, Pilipinas – Nakakulong na sa stockade ng  Cebu City Police Office (CCPO) ang pangunahing suspek sa road rage na si David Lim Jr. Siya ay ipinasok sa selda pasado alas-8 ng gabi nitong Martes, ilang oras matapos sumuko sa Police Regional Office 7 (PRO 7).

Si Lim ay sinampahan na rin ng kasong frustrated murder at illegal possession of firearms dahil sa pamamaril sa nurse na si Ephraim Nuñal na kaniyang nakaalitan sa kalsada noong Linggo.

Matapos makunan ng mugshots at pagproseso ng mga kaukulang dokumento, ikinulong na si Lim sa kabila ng hiling ng kaniyang abogado na si Atty. Orlando Salatandre Jr. na ilipat siya sa opisina ng PRO7 kung saan siya unang sumuko Martes ng madaling araw.

Ayon kay Senior Supt. Joel Doria, director ng Cebu City Police Office, mananatili sa kanilang kustodiya ang suspek hangga’t hindi pa naitataas sa korte ang kaniyang kaso upang siya ay mabigyan ng pagkakataong makapagpiyansa.

Nakasuot ng kulay bughaw na polo shirt, tahimik lang na pumasok si Lim sa kaniyang selda, isang maliit na sementadong kuwarto, taliwas sa kaniyang kinalakihang marangyang tahanan.

Si Lim ay isang negosyante at nagmula sa isang mayaman at kilalang pamilya sa Cebu. Pamangkin umano siya ni Peter Lim na minsan ay isinangkot ni Pangulong Rodrigo Duterte sa ilegal na droga.

Umiwas pa ang suspek sa mga tanong ng mga mamamahayag at nagpasiya na lamang na magkulong at magtago sa kubeta ng kaniyang selda na nasa isang sulok.

Panoorin ang video mula sa Superbalita Cebu:

Loading...