Robredo inaming talo ang kaniyang kampo ng malakas na propaganda ni BBM

Image from DFN Files

MAYNILA, Pilipinas – Iginiit ni Vice President Leni Robredo ang kaniyang pagkapanalo noong nakaraang eleksiyon, subalit inamin din ng opisyal na talo ang kanilang kampo ng malakas na propaganda ni dating Senador Bongbong Marcos lalo na sa social media.

Sa panayam ni Ted Failon sa DZMM nitong Martes, sinabi ni Robredo na talagang mahirap kalabanin ang mga Marcos dahil may pera ang pamilya nito.

“Talagang talo tayo sa propaganda. Iyung bawat galaw — o kahit wala pang galaw — mayroon na talaga silang kuwento. Kaya nga sabi ko dati, mahirap talagang kalaban ang Marcos,” ani Robredo.

“Sila ang may capability; iyung infrastructure nila sa social media, in place. Mahirap talagang kalabanin kasi tayo, wala naman tayong resources,” dagdag pa nito.

Tinalo ni Robredo si Marcos ng mahigit 200,000 boto lamang noong nakaraang halalan. Nagsampa ng kaso ang anak ng dating presidente at ngayon ay kasalukuyang dinidinig sa Korte Suprema.

Sa kabila ng mga batikos sa social media ng kaniyang mga kritiko, iginiit ni Robredo na siya ang lehitimong nanalo sa pagka-pangalawang pangulo at hindi siya nandaya sa eleksiyon.

“Sigurado ako sa aking panalo. Wala naman akong capacity na dumaya kaya mas makabubuti sa akin na mas mabilis na ma-resolve ito. Mas magiging solid ang aking mandato,” sabi pa ni Robredo.

Samantala, naghain naman ng mosyon ang kampo ni Marcos para ibasura ng Korte Suprema ang apela ni Robredo na kumukwestiyon sa mga ebidensiya na inihain ng kalaban.

Ayon sa mosyon na inihain ng abogado ni Marcos na si Atty. George Garcia, isa lamang umanong ‘delaying tactics’ ang ginawa ng kampo ni Robredo.

Subalit sa nasabing panayam sa Pangalawang Pangulo, nilinaw nito na higit kaninuman, gusto niyang matuldukan na ang lahat upang mawala na ang mga pagdududa sa kaniyang mandato.

Ginawa lamang umano nila ang apela dahil hindi tugma ang bilang ng affidavit na isinumite ni Marcos sa bilang ng presinto na nauna niya nang sinabi na nagkaroon umano ng dayaan.