Robredo tinanggap ang dinner invitation ni Pangulong Duterte

Image capture of video by RTVMImage capture of video by RTVM

Malugod na tinanggap ni Bise Presidente Leni Robredo ang paanyaya ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa isang hapunan kasama ang kani-kanilang pamilya.

Hinihintay na lang umano ng Pangalawang Pangulo ang petsa kung kailan gaganapin ang hapunan.

Ayon sa InterAksyon, bukas naman umano ang Pangalawang Pangulo sa paanyaya ng Pangulo bagama’t may mga bagay silang hindi pinagkakasunduan. Aniya, para sa bayan ay gagawin niya.

“Bukas ako. May mga bagay kami na hindi pinagkakasunduan, kung may pagkakataon, para sa bayan, subukan natin . May obligasyon na kahit may hindi pinagkakasunduan, hahanapan pa rin ng mga bagay na pagkakasunduan,” anang Bise Presidente.

Alam umano ni Robredo ang mga pangamba ng kaniyang kampo gaya ng sinasabing isa umanong patibong ang nasabing paanyaya, pero isang magandang pagkakataon daw na mapag-usapan nila sa harap ng hapunan ang kanyang pananaw sa mga polisiya ng administrasyong Duterte.

Hinihintay na lang ng Pangalawang Pangulo na sabihin sa kanya ni Bong Go, special assistant ni Pangulong Duterte, ang tiyak na petsa ng naturang hapunan.