Robredo, Walang Takot sa ‘Impeachment Complaint’

Larawan mula sa Leni Robredo via Facebook page at file photoLarawan mula sa Leni Robredo via Facebook page at file photo

Wala umanong takot si Bise Presidente Leni Robredo hinggil sa pahayag ni Speaker Pantaleon ‘Bebot’ Alvarez na pinag-aaralan siyang sampahan nito ng impeachment complaint kaugnay sa sinasabi ni Alvarez na “betrayal of public trust”.

Ito ang tiniyak ni Georgina Hernandez; tagapagsalita ni Robredo. Aniya, hindi rin nababahala si Robredo tungkol dito.

Pinabulaanan din ni Magdalo party­list Rep. Gary Alejano na may kinalaman si Robredo sa impeachment complaint na isinampa ng Magdalo party­list laban kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon sa ulat ng Abante, gusto lang malaman ni Robredo kung ano ang pinanggagalingan ni Alvarez at bakit siya pinagbibintangan nito ng impeachment case laban kay Duterte.

Sinabi rin ni Hernandez na walang destabilisasyon laban kay Duterte na batay sa intelligence report ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Sa inisyal na ulat ng CNN Philippines, sinabi ni Alvarez na tinitingnan niya ang posibilidad na pagsampa ng impeachment kay Robredo dahil sa “betrayal of public trust” kaugnay ng ‘palit-ulo’ na pahayag ni Robredo sa United Nations na umano’y “treasonous act”.

Paliwanag ni Alvarez: “Ang pananaw ko dito mayroong betrayal of public trust. Sa buong buhay ko, ngayon lang ako nakakita ng isang mataas na opisyal ng gobyerno na walang pakundangan siraan ang ating bansa sa international community. Ano ang magiging epekto noon economically?”

Samantala, inamin ni Senate President Aquilino ‘Koko’ Pimentel III na sakaling ihain kay Robredo ang impeachment complaint ay malaki ang tsansa nitong makalusot sa Kongreso at tuluyang umakyat sa Senado dahil higit sa 230 kongresista ang sumusuporta kay Alvarez.

Tiniyak naman ni Duterte sa isang press conference sa Davao City na wala siyang kinalaman sa pinaplanong pagpapa-impeach kay Robredo. Aniya, wala siyang kinausap na senador, kongresista, o miyembro ng gabinete hinggil sa nasabing isyu.

Giit ni Duterte: “I never did anything, I will not do anything about it.”

[Hindi ko kailanman ito gagawin. Wala akong gagawin na bagay tungkol dito.]