Russian space agency naghahanda na sa kauna-unahan nitong ‘manned moon landing’

Image from Roscosmos

Pinaghahandaan na ng Russian Space Agency o Roscosmos ang kauna-unahan nitong pagpapadala ng mga cosmonauts sakay ng isang spacecraft na lalapag sa ibabaw ng buwan.

Ayon sa Engadget, abala na ang Roscosmos sa paghahanap ng mula anim hanggang walong trainees na may potensiyal na maging cosmonauts. Ang hinahanap nilang kandidato ay dapat umanong may background sa engineering o aviation o kaya naman ay iyong mga may karanasan nang makapagtrabaho sa space industry.

Sa proseso ng pagpili sa mga interesado na maging cosmonauts, dadaan sa ilang yugto ng sikolohikal, pisikal at medikal na pagsubok ang mga aplikante. Ang walong mapipili ay sasailalim sa matinding pagsasanay hanggang apat na lang sa kanila ang matira at silang ipadadala sa buwan gamit ang reusable manned spacecraft na Federatsiya.

Ang mga aplikante ay dapat na nasa magandang kondisyon, hindi lang sa pag-iisip kundi maging sa pisikal man. Ang edad ay 35-anyos pababa, may taas na hindi bababa sa 4’11” at hindi lalampas sa 6’2” na taas at hindi lalampas sa 199 pounds ang timbang.

Hindi rin magkakaroon ng diskriminasyon sa pagpili base sa kulay ng balat o ng kasarian.