SAF na nambugbog sa traffic enforcer sa Bacolod, kinasuhan na

Image capture of ABS-CBN video report

MAYNILA, Pilipinas – Sinampahan na ng kaso ang pulis na miyembro ng Special Action Force (SAF) na nambugbog sa isang traffic enforcer sa Bacolod City kamakailan.

Ang kasong isinampa laban kay SAF PO1 John Chan ay ‘direct assault upon person of authority’ dahil sa pambubugbog ng akusado kay Bobby Luberas ng Bacolod Traffic Authority Office (BTAO).

Nakunan pa sa cellphone ang pananakit ni Chan kay Luberas na tatlong beses niyang sinapak. Nangyari ang insidente noong Pebrero 11 sa harap ng Capitol Shopping Center sa Bacolod City

Ayon kay Senior Superintendent William Señoron, acting director ng Negros Occidental Provincial Police Office (Nocppo), nauna nang dinisarmahan ang naturang pulis noong isang linggo matapos ang insidente.

Ayon pa sa opisyal, malinaw na pag-abuso sa kaniyang kapangyarihan ang ginawa ni Chan.

“We do not tolerate this and we are warning policemen in the field not to abuse their authority,” paliwanag ni Señoron.

Sa naturang video, dalawang kasama ni Luberas ang nakasaksi sa pangyayari subalit nagdalawang-isip umano itong tulungan ang biktima dahil armado ng baril ang suspek.

Bukod sa mga kasong nabanggit na isinampa laban kay Chan, na nakadestino sa 6th Special Action Battalion (SAB) sa Sagay City, maaari rin umano ito sampahan ng kasong administratibo kung mapatunayang nagkasala.

Pinagbawalan ding pumasok ang akusado sa opisina ng PNP-SAF headquarters habang sumasailalim sa imbestigasyon.

ABS-CBN report: