Sandra Cam: ‘Hindi ako mayabang, simpleng tao lang ako’

Image from DFN FilesImage from DFN Files

MAYNILA, Pilipinas – Itinanggi ni Sandra Cam na ipinagmayabang niya ang posibleng pagkaka-appoint sa Gabinete ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga darating na buwan; ito ay matapos akusahan ang kontrobersiyal na whistleblower na gumawa ng eksena sa NAIA kamakailan,

Matatandang iniulat ng Inquirer nitong nakaraang Sabado ang umano’y pagwawala ni Cam sa VIP Lounge ng NAIA matapos hindi makatanggap ng VIP treatment. Ipinagmalaki umano ni Cam ang kaniyang napipintong appointment sa isang posisyon sa gobyerno.

Subalit sa panayam ng ABS-CBN News nitong Lunes, sinabi ni Cam na walang katotohanan ang lumabas na kuwento at imposible umano itong mangyari dahil isa lamang siyang simpleng tao.

“It’s not true that I made yabang because I’m not mayabang. I’m a very simple person whose heart is really for the poor, the needy and those that have been oppressed,” paliwanag sa telepono ni Cam na ngayon ay kasalukuyang nasa Abu Dhabi.

Hindi rin umano totoo na sinabihan niya ang staff ng lounge na magiging miyembro na siya ng Gabinete sa mga darating na buwan nang hingan siya nito ng ID.

“What I said exactly is that instead of having me present to you a government ID, you wait until 2 months, I will be joining the government and I’m sure that I can give you the government ID that you need,” dagdag pa nito.

Giit pa ng natalong senatorial bet, hindi niya tinakot ang staff na mawawalan ito ng trabaho, bagama’t inamin niya na nasigawan niya ito dahil sa pagkadismaya sa naging trato sa kaniya.

Sa ulat ng Inquirer, ipinagmalaki din umano ni Cam na kausap niya sa telepono si Bong Go, ang personal assistant ni Pangulong Duterte.

Bukod dito, itinapon din umano sa sahig ni Cam ang ID ng staff matapos itong kunan ng larawan, imbes na isauli nang maayos sa may-ari.

Sa Cam ay isang masugid na taga-suporta ni Duterte at kamakailan lang ay inamin ng Pangulo na handa niya itong bigyan ng posisyon sa gobyerno kung hihingin ito ng ginang sa kaniya.