Selos, isa sa tinitingnang anggulo sa pagpatay kay Dr. Perlas

Images from Aklan Province Facebook page/ DFN filesImages from Aklan Province Facebook page/ DFN files

MAYNILA, Pilipinas – Isa ang selos sa mga tinitingnang anggulo ng awtoridad ngayon sa pagpatay sa ‘Doctor to the Barrio’ volunteer na si Dr. Dreyfuss Perlas.

Sa panayam ng Rappler kay Senior Superintendent Faro Antonio Olaguerra, hepe ng Lanao del Norte Provincial Police, sinabi na maaari umanong may kinalaman ang pagpasalang kay Perlas sa pagiging malapit nito sa isang babaing Maranao.

Bagama’t hindi pinangalanan ni Olaguerra ang naturang babae, posible umanong hindi naging maganda nag pagtanggap ng pamilya ng babae sa ‘closeness’ ng dalawa. Nilinaw naman ng opisyal na walang relasyon ang dalawa.

“Although they have no relationship, these offended the cultural sensitivity of the Maranao,” ayon kay Olaguerra.

Posible umanong nasaktan ang ‘pride’ ng pamilya dahil sa naging ugnayan ng dalawa.

“It was this closeness that we are closing in on,” dagdag pa nito.

Maaaring para sa napaslang na doktor ay wala itong kahulugan, ngunit ayon pa kay Olaguerra, mahirap umanong unawain ang kultura ng Maranao lalo na ang mga konserbatibong pamilya.

Nauna nang itinanggi ng mga rebeldeng grupong  Revolutionary People’s Army (RPA) ang pagkakasangkot ng isa nilang kasapi, na napatay rin ng mga awtoridad kamakailan, sa kaso ni Perlas.

Ayon sa RPA, hindi nila itinuturing na kaaway si Perlas lalo pa’t naninilbihan ito sa kanilang teritoryo. Nangako rin ang grupo na magsasagawa ng sarili nilang imbestigasyon para mahuli ang mga salarin.

Loading...