Sen. Nancy Binay, nais paimbestigahan si Cesar Montano tungkol sa umano’y irregularidad sa TPB

Images from Remate/InquirerImages from Remate/Inquirer

MAYNILA, Pilipinas – Naghain ng panukala si Senador Nancy Binay na naglalayong imbestigahan ang umano’y mga iregularidad sa Tourism Promotion Board (TPB) na kinasasangkutang ng Chief Operations Officer nito na si Cesar Montano.

Ayon kay Binay, chairman ng Senate Committee on Tourism, marapat lamang na imbestigahan si Montano base sa mga paratng ng empleyado ng TPB na isinumite kamakailan sa Presidential Action Center (PACE) para maproteksiyonan ang imahe ng ahensiya at ng pamahalaan.

Nanawagan din si Binay kay Department of Tourism (DOT) Secretary Wanda Teo na pagtuunan ng pansin ang reklamo upang hindi masayang ang mga naging hakbang ng pamahalaan sa pag-promote ng tourism sa bansa.

“Napakalaki ng potensyal ng bansa natin upang mas makilala pa bilang isang top tourist destination, kaya dapat maresolba agad ang isyung ito na maaaring makasira sa imahe ng ating bansa,” ani Binay.

Ang Senate Resolution No. 326 na inihain ni Binay ay nagtatakda sa Senate Blue Riboon Committee o kaya ay sa Senate Committee on Accountability of Public Officers and Investigations na gumawa ng imbestigasyon sa nasabing kontrobersiya.

“Dapat mapag-usapan at malaman na ang katotohanan sa isyung ito sa lalong madaling panahon upang makapag-focus na tayo sa mas importanteng suliranin: ang pagpromote sa mga magagandang tanawin ng Pilipinas,” dagdag pa ng mambabatas.

Matatandaang nagtala ng 24 mga alegasyon ang mga empleyado ng TPB laban kay Montano.

Ilan sa mga ito ay ang pagtatalaga umano ng aktor sa kaniyang mga kaibigan at kamag-anak sa ilang posisyon sa board; pagpasok sa mga kontrata na walang rekomendasyon at approval ng ahensiya; at malabis na paggastos ng pondo ng TPB sa mga biyahe sa loob at labas ng bansa na lumalabas na bakasyon lang naman pala.

Loading...