Senador De Lima, Binisita ni “Coco” sa Kulungan

Imahe mula sa file photo at  Twitter account ng CNNImahe mula sa file photo at Twitter account ng CNN

Maaaring si Senador Leila De Lima ang pinakamabalasik na kritiko ni Pangulong Rodrigo Duterte ngunit lingid sa iba malambot ang puso ng Senadora pagdating sa kaniyang mga alagang aso.

Matapos ang mahigit isang linggong pagkakakulong ni Senador De Lima, tumanggap ito ng isang espesyal na bisita. Nitong Sabado ng hapon ay nagkaroon ng oras ang Senador sa kaniyang alagang asong si “Coco”; 6-taong gulang na Japanese Spitz.

Si “Coco” ang paboritong alagang aso ni De Lima, na dumalaw sa kaniya sa kauna-unahang pagkakataon simula nang ito’y makulong; ayon sa ulat ng GMA.

Si Coco ay laging nakasunod kay De Lima saan man ito magpunta maliban na lamang kung may pusang ligaw sa paligid na nakaaagaw umano ng atensiyon nito.

Maliban sa alagang aso, bumisita rin sina Julia Abad, Bro. Armin Luistro, at Dinky Soliman.

Ang Senador ay may alagang 13 aso ngunit aminado ito na si Coco ang kaniyang paborito. Matapos maglaan ng ilang gabi sa Philippine National Police Custodial Center in Camp Crame, madalas sabihin ng Senadora na na-mimiss niya ang paboritong alaga.

Magugunitang sumuko si De Lima noong Pebrero 24, at ipiniit sa PNP Custodial Center sa Camp Crame matapos mag-isyu ng warrant of arrest ang Muntinlupa Regional Trial Court Branch 204 kaugnay sa paglaganap ng droga sa loob ng New Bilibid Prison (NBP).

Ilan sa mga malalaking personalidad na bumisita sa Senador ay sina dating Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III at Vice President Leni Robredo.