Shabu lab na kayang gumawa ng P250-M na droga kada linggo, nadiskubre sa Cainta

Image capture of Athena Imperila video via GMA News

MAYNILA, Pilipinas – Isang laboratoryo ng ilegal na droga sa lungsod ng Cainta sa Rizal ang natunton ng mga awtoridad nitong Martes ng gabi, ika-14 ng Marso.

Iba’t-ibang klase ng mga kemikal ang natagpuang nakaimbak sa isang bahay sa Vista Verde sa Barangay San Isidro na sinalakay ng pinagsamang puwersa ng kapulisana at Philippine Durg Enforcement Agency (PDEA).

Nagreport umano ang may-ari mismo ng bahay matapos itong magduda sa mga aktibidad sa loob. Ang umuupa raw dito ay isang lalaki na mukhang Intsik o kaya ay Koreano pero hindi niya alam ang tunay na pangalan nito.

Ayon kay Supt. Chitadel Gaoiran, tagapagsalita ng Cavite-Laguna-Batangas-Rizal-Quezon (Calabarzon) police, tinatayang aabot sa P250-M na halaga ng ilegal na droga ang kayang gawin ng naturang laboratoryo.

“Our initial assessment of the production per week is at 50 kilograms with an estimated value of P250 million,” ani Gaoiran.

Hindi naman nasabi sa ulat kung mayroong mga naaresto sa nangyaring operasyon.

Pinaghahahanap na rin ng mga awtoridad ang lalaking sinasabing nangupahan dito.