Simbahan, Tinanggihan ang Imbitasyon ng PNP na Maging Katuwang sa  “Oplan Tokhang Part 2”

Public domainPublic domain

Ibinasura ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo ang imbitasyon ni Philippine National Police Chief, Director General Ronald “Bato” dela Rosa sa mga pari na maging katuwang sa “Oplan Tokhang Part 2.”

Ayon sa ulat ng ABS CBN, sinabi ni Pabillo na propaganda lamang ang naturang imbitasyon dahil “gagamitin” lamang ang mga pari sa naturang operasyon.

Propaganda lang naman yun. May simbahan tapos babarilin nila, kung sino-sinong tao ang babarilin. Tapos sisisihin kami na kasama kami sa programa? At gagamitin lang kami… hindi kami sasama,” giit ni Pabillo.

Sa ganyang mga title pa lang hindi ako naniniwala na yan ay magiging mapayapa. Double-barrel? Nakakaduda sa title pa lang na binibigay nila,” dagdag pa ni Pabillo.

Magugunitang binigyan ng kasiguruhan ni Dela Rosa na ang bagong patakaran ng  “Oplan Tokhang Part 2”ay ilalagay sa tamang lugar upang maiwasan ang pagpatay sa mga drug suspect.

We encourage the participation of the Church. Kung sino yung Church leaders sa area, yung representatives nila, iniimbitahan nating sumama sa Tokhang para makita talaga nila na ito ay ginagawa dahil sa concern natin sa mga kababayan nating nalulong sa droga at hindi ito maabuso,” ani Dela Rosa.

Sa halip na isali ang mga pari sa operasyon ng Tokhang, marapat na itigil na lamang ito ng pamahalaan; ayon pa kay Pabillo.

Hindi na mag-tokhang. Hanap ng ibang paraan. Hanapin talaga ‘yung mga sources. Magpakita ng mga sources dahil ‘yan ‘yung mayayaman…. i-apprehend nila ayon sa batas,” saad ni Pabillo.

Hinimok din ng Obispo na linisin ang hanay ng mga kapulisan at habulin ang mga politikong nauugnay sa iligal na droga.

May pinakita silang factories noon. Sino ang hinuli nila?… linisin muna nila kapulisan nila. Dahil maraming pulis involved dyan. At may mga pulitiko involved dyan. ‘Yan muna ang linisin nila,” saad pa ng Obispo.

Ayon kay Dela Rosa, tanging mga lokal na pulis sa pangunguna ng kanilang commander, kasama ang barangay captain kung saan gagawin ang “tokhang” ang maaring kumatok sa bahay ng mga pinaghihinalaang gumagamit o nagtutulak ng droga. Kailangan ay unipormado rin ang mga pulis. Hindi maaaring kumatok ang pulis na nakasibilyan.