Simbahang Katolika nais ni PNP chief De la Rosa na maging katuwang sa “Oplan Tokhang Part 2”

Image from iLove Pagadian

Nais ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald De la Rosa na maging kabahagi ang Simbahang Katolika sa ikalawang yugto ng kampanya ng pamahalaan laban sa droga upang masiguro na hindi maging madugo ang nasabing kampanya.

Ayon sa Inquirer, sinabi ni De la Rosa na pabibigyan niya ng kopya ang mga pari ng drug list ng pamahalaan upang magkroon ng pagkakataon ang mga lider ng simbahan na kumbinsihin ang mga user at pusher ng illegal drugs na talikuran ang masamang gawain  at tuluyan nang magbago.

Malaking tulong ang simbahan upang maging “less bloody o bloodless” ang “Oplan Tokhang part 2”, anang PNP chief.

Tanging mga lokal na pulis sa pangunguna ng kanilang commander, kasama ang barangay captain kung saan gagawin ang “tokhang” ang maaring kumatok sa bahay ng mga pinaghihinalaang gumagamit o nagtutulak ng droga. Kailangan ay unipormado rin ang mga pulis. Hindi maaaring kumatok ang pulis na nakasibilyan, ayon pa sa PNP Chief.

Balak ring pagamitin ng body camera ang mga pulis na kasama sa operasyon, pero wala pa umanong budget para doon.