SolGen Calida, tutulong sa planong ‘impeachment’ kay VP Robredo dahil ‘dapat siyang matanggal sa puwesto’

Mga imahe mula sa Radyo La Verdad 1350 at Leni Robredo FB pages.

Dahil pinagtaksilan umano ni Vice President Maria Leonor “Leni” Robredo ang tiwala ng mga tao, dapat umano itong ma-impeach. Ito ay ayon kay Solicitor General Jose Calida noong Sabado, Marso 18.

Hinggil kay Calida, tutulong siya sa planong paghahain ng “impeachment complaint” laban kay Robredo.

“In the event that (Speaker Pantaleon Alavarez) will initiate the impeachment of the VP, my office will gladly lend its legal services to such endeavor,” saad ni Calida sa kanyang tweet, ayon sa isang artikulo ng ABS CBN News.

[Sa puntong maghahain ng impeachment complaint si Speaker Pantaleon Alvarez laban kay Vice President Robredo, ang aking opisina ay buong pusong tutulong.]

Matatandaan na noong Biyernes ay inihayag ni Alvarez ang kanyang balak na maghain ng “impeachment complaint” laban kay Robredo. Ito raw ay dahil sa mensahe ng isang video ni Robredo na ipinadala sa United Nations Commission on Narcotics Drugs. Sa naturang video ay inilahad ni Robredo ang “palit-ulo scheme”.

Ang “palit-ulo scheme” umano ay ang pagkuha sa mga kaanak ng drug personality kapag ito ay hindi matunton bilang kapalit.

“VP Robredo shamelessly pandered the desire of the Yellow Cult to depose President Duterte, which if successful, will immensely benefit her,” sabi ni Calida.

[Walang pakundangan niyang inilantad ang mithiin ng Dilaw na Kulto. Ginawa niya ito upang mapatanggal agad si Pangulong Rodrigo Duterte. Kapag natanggal si Pangulong Duterte, siya na ang uupo.]

Saad din ng SolGen, nakianib na umano si Robredo sa mga personalidad na nais masira si Pangulong Duterte. Banta naman ni Calida, aanihin daw ni Robredo ang galit ng mga Pilipino dahil sa kanyang kataksilan.

Samantala, pinabulaanan naman ito ni Georgina Hernandez, spokesperson ni Robredo, noong Biyernes at sinabing wala umanong pagtataksil sa tiwala ng publiko na naganap. Sabi pa niya, pawang pagbabanta lamang ang kayang gawin ni Alvarez.

“We really think that such statements should not be taken seriously and these are really just empty threats in trying to mind condition the public,”ani Hernandez.

[Sa aming pananaw, ang mga pahayag nila ay hindi dapat seryosohin dahil pawang pagbabanta lang ang kanilang kayang gawin umang makundisyon ang utak ng publiko]