Sulat ni VP Robredo sa DILG tungkol sa ‘Oplan Double Barrel’ ng PNP, inisnab umano

Image from OVP Facebook page

MAYNILA, Pilipinas – Naglabas ng dokumento ang kampo ni Vice President Leni Robredo para pabulaanan ang pahayag ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald ‘Bato’ Dela Rosa na hindi nakipag-ugnayan sa kanila ang Pangalawang Pangulo bago inilabas ang sentimiyento nito sa international community.

Sa ipinatawag na press conference ni Barry Gutierrez, legal consultant ni Robredo, ipinakita nito ang isang sulat na ipinadala ng Office of the Vice President (OVP) na humihingi ng kopya ng mga dokumento na may kaugnayan sa bagong lunsad na “Oplan Double Barrel”.

Ang sulat ay may petsang Enero 24 at makikitang may tatak na “received” bilang katunayan na ito ay natanggap ng DILG at ng opisina ng Chief ng PNP.

Sa naturang sulat ni Robreo, humihingi ito ng kopya ng “command memorandum circular” ng nasabing programa, mga listahan ng napatay simula nang ilunsad ito, listahan ng mga ‘death under investigation’, at listahan ng mga natapos na imbestigasyon.

“I have been approached by citizens, sectors, and advocates expressing a variety of concerns on the implementation of the administration’s anti-drug campaign. These documents will allow me to respond more effectively to the issues that have been raised,’ ani Robredo sa sulat.

Image by Jose Miguel Dumaual/Twitter/ABS-CBN News
Image by Jose Miguel Dumaual/Twitter/ABS-CBN News

Sinabi ni Gutierrez na patunay ito na nakipag-ugnayan sila sa PNP subalit hindi umano ito pinansin at inaksiyunan nina Sueno at Dela Rosa.

“Kahit na kayo ay nakatanggap ng sulat, hindi ninyo ito kinilusan. Mahigit isang buwan na ang lumipas, buong buwan ng Pebrero, matatapos na ang Marso, wala pa rin kaming nakukuhang sagot dito sa mga request na ito,” paliwanag ni Gutierrez.

Subalit mariing pinabulaanan ni Dela Rosa na natanggp niya ang sulat ni Robredo at inilabas lang umano ito ng OVP matapos niyang hingan ng paliwanag si Bise Presidente tungkol sa alegasyong ‘palit-ulo’.

Ang ‘palit-ulo’ ay ibinulgar ni Robredo sa video na ipinadala nito sa United Nations (UN) kamakailan. Ito umano ay sistema ng PNP na papalitan ng isang miyembro ng pamilya kapag ang taong kanilang hinahanap ay hindi matagpuan.