Suspek sa Cebu road rage, isusuko na ng pamilya

Image from Mayor Tommy Osmena' Facebook postImage from Mayor Tommy Osmena' Facebook post

MAYNILA, Pilipinas – Nangako ang pamilya ng negosyanteng Filipino-Chinese na si David Lim Jr. na isusuko na ito sa mga awtoridad sa Martes, ika-21 ng Marso.

Si Lim ang pangunahing suspek sa pamamaril sa 33-anyos na nurse na si Ephraim Nuñal na kaniyang nakaalitan sa kalsada sa may F. Sotto St., Barangay Kamputhaw sa lungsod ng Cebu noong Linggo.

Si Nuñal ay nagtamo ng tama ng bala sa kanang bukong-bukong at kaliwang hita. Nakunan ng video ng isang motorista ang pangyayari at kumalat agad ito sa social media; sanhi upang maglunsad ng manhunt ang lokal na pulisya para sa ikahuhuli ng suspek na sakay ng isang kotseng Mercedes Benz na may plakang UNI 731 nang mangyari ang insidente.

Nitong Lunes, ibinahagi ni presidential aide Bong Go ang isang text message na nagmula umano sa ina ng suspek.

“Sir Bong, the family decided to follow your advise [sic] to surrender my son David Lim Jr to the regional commander Chief Superintendent Noli Talino tomorrow… Pls help us facilitate his surrender n safety,” anang mensahe.

Itinanggi naman ni Go na kilala niya nang personal ang pamilya nina Lim at sinabing nakausap lamang niya si Mrs. Lim sa pamamagitan ng isang Peter Go.

Ang suspek na si David Lim Jr. ay sinasabing pamangkin ni Peter Lim, ang negosyanteng Filipino-Chinese sa Cebu na dati nang naiuugnay sa ilegal na droga.

Naunan nang nagpalabas ng P100,000 reward si Cebu City Mayor Tommy Osmeña para sa ikadarakip ng suspek.

Loading...