Suspek sa pag-ambush sa babaing pulis-Maynila, patay sa buy-bust

Image from DFN Files

MAYNILA, Pilipinas – Napatay sa isang buy-bust operation nitong Martes ng gabi ang isa sa mga suspek sa pananambang sa babaing pulis sa Maynila noong isang linggo.

Nakilala ang napatay sa isang operasyon sa Mayhaligue Street sa Tondo bandang alas-10:15 ng gabi na si Daniel Batac. Si Batac ay isa sa dalawang suspek sa pag-ambush kay PO1 Jorsan Marie Alafriz sa  kahabaan ng Recto Avenue sa Sta. Cruz, Maynila.

Nakuha mula kay Batac ang dalawang baril at ilang piraso ng pinaghihinalaang droga.

Dati na umanong may rekord sa pulisya ang supek at minsan na itong nakulong dahil sa pagnanakaw ng kotse.

Matatandaang isa ring ‘person of interest’ sa kaso ng pag-ambush kay Alafriz ang pinatay ng  armadong lalaki na nakamotor sa Escolta noong ika-20 ng Marso.

Napatay si Jefferson Li, 35-anyos at isang tricycle driver, matapos siyang pagbababarilin ng isang gunman na nakahelmet, habang sugatan naman ang kaniyang kapatid na si Gerard Li.

Lumabas sa imbestigasyon na kagagaling lang ng dalawa sa presinto ng pulis para linisin ang kanilang pangalan matapos masangkot sa pamamaril at pananambang kay Alafriz.

Pinaniniwalaang droga ang nasa likod ng pagpatay kay Alafriz dahil marami na umanong naghihinala na sa kaniya nanggagaling ang mga impormasyon tungkol sa ilegal na aktibidad sa kanilang lugar.