Suspek sa pagpatay sa miyembro ng Masculados Dos, arestado

Image from www.showbizportal.comImage from www.showbizportal.com

MAYNILA, Pilipinas – Arestado ang isa sa mga pangunahing suspek sa pagpatay kay Marcelo ‘Ozu’ Ong, ang miyembro ng Masculados Dos na napaslang sa isang insidente ng carjacking  noong ika-2 nang Agosto taong 2015.

Nasakote nitong Linggo sa loob ng kaniyang bahay sa North Fairview Subdivision si Kristopher Ernie na nauna nang nasampahan ng kasong murder kaugnay sa pagpatay kay Ong.

Siya ay dati nang naaresto ng pulisya noong Setyembre 2015 sa kasong possession of illegal drugs subalit nakalaya rin kinalaunan.

Ganunpaman, dahil sa bisa ng warrant of arrest na inilabas noong Nobyembre ng nakaraang taon, nagsagawa ng operasyon ang Quezon City Police District (QCPD) para sa ikadarakip ng suspek.

Si Ernie ay pangunahing suspek din sa hiwalay na kaso ng pagpatay kay John Arnest Agbayani, ang seaman na dinukot noong Agosto 18, 2015 at ang bangkay ay natagpuan sa Tagaytay makaraan ang ilang araw.

Ayon sa QCPD, nitong Linggo ay nakatanggap sila ng impormasyon na si Ernie ay nasa kanilang bahay sa North Fairview kasama ang ilang kalalakihan.

Napag-alaman na armado at mapanganib ang suspek kaya kaagad nagsagawa ng surveillance operation ang mga kapulisan hanggang sa maaresto ang suspek na tatakas pa sana.

Nahuli rin ang dalawa niyang kasamahan na sina Joselito Pangilinan at Reedlani Eclarenal habang nakatakas naman ang isa pa na nakilalang si Dennis Franco.

Narekober mula sa suspek ang isang kalibre .45 na baril, isang kutsilyo, ilang sachet ng pinaghihinalang shabu, 2 sasakyan at mga drug paraphernalia.