Suspek sa pagpatay sa propesor ng PLMar, nahagip sa CCTV

Image capture from GMA News/ ABS-CBN News videosImage capture from GMA News/ ABS-CBN News videos

MAYNILA, Pilipinas – Bagama’t wala pang pagkakakilanlan, nahagip ang mukha ng suspek sa pagpatay kay Dr. Alfredo Dimaano, ang 44 anyos na propesor at dating Vice President for Academic Affairs ng Pamantasan ng Lungsod ng Marikina (PLMar) na natagpuang duguan at wala nang buhay Miyerkules ng umaga, ika-15 ng Marso.

Si Dimaano ay ginilitan umano ng leeg at natagpuang patay ng kaniyang kasambahay sa loob ng kaniyang kuwarto sa inuupahang bahay sa Marikit Subdivision, Concepcion Uno, Marikina.

Kuwento ng kasambahay na si Glenn, may kasama umanong lalaki nang dumating sa bahay si Dimaano at pumasok pa ang dalawa sa kuwarto.

Sa CCTV naman ng barangay, nakita ang sinasabing lalaki na kasama ni Dimaano na pumasok sa kaniyang bahay bandang alas-11 ng gabi ng Martes.

Kuwento ni Aristotle Felicilda, Ex-O ng Barangay Concepcion Uno, nakita pa niyang sabay na pumasok ang dalawa na mistulang tuwang-tuwa dahil parang matagal na hindi sila nagkita. Nakita niya rin umanong niyaya ng biktima ang suspek bago pumasok ang dalawa kasunod ang kasambahay na si Glen.

Sa naturang CCTV, makikitang may bitbit nang bag ang lalaki habang papaalis na ito.

Una nang napaulat na nawawala ang cellphone at ilang gamit ng biktima matapos ang pangyayari.

Bagama’t itinuturing na suspek ang naturang lalaki, hindi pa rin umano isinasantabi ng pulisya ang motibo na maaaringmay kinalaman sa trabaho ni Dimaano ang pagpatay rito.

Maging ang kasambahay umano nito ay itinuturing ding ‘person of interest’ sa kaso.

Narito ang ulat sa suspek sa GMA News: