Suspek sa road rage sa Cebu, sinampahan na ng kaso

Image from ABS-CBN NewsImage from ABS-CBN News

MAYNILA, Pilipinas – Sinampahan na ng mga kasong frustrated murder at illegal possession of firearms ang pangunahing suspek sa pamamaril sa isang nurse sa Cebu noong Linggo ng gabi na si David Lim Jr.

Si Lim ay sumuko sa pamunuan ng Police Regional Office 7 (PRO-7) Martes nang madaling araw matapos magpadala ng mensahe ang kaniyang nanay kay presidential aide Bong Go.

Ang kaso ay isinampa ng Cebu City Police sa city prosecutor’s office Martes ng hapon.

Paliwanag ni Lim, wala umano siyang intensiyon na barilin ang nurse na si Ephraim Nuñal na kaniyang nakaalitan dahil sa away-trapiko.

Subalit nang mapagtanto umano niyang dehado siya sa laban dahil may iba pang kasamahan sa kotse ang biktima, dito na umano siya nagpasiyang kunin ang kaniyang baril sa sasakyan at paputukan ang kaaway.

Ayon din sa abugado ng suspek na si Atty. Orlando Salatandre Jr, hindi lasing ang kaniyang kliyente nang maganap ang pamamaril at ‘self-defense’ lang umano ang nangyari.

“There was no intention to hurt the victim. But he kept on coming near David so my client was forced to shoot him on the legs to disable him,” ani Salatandre.

Nagtamo ng tama ng bala si Nuñal sa kaniyang kanang bukong-bukong at kaliwang hita at ngayon ay kasalukuyang nagpapagamot sa ospital.

Samantala, posible din umanong kasuhan ang girlfriend ni Lim na si Tamae Takahashi na kasama niya sa sasakyan noong mangyari ang insidente bilang ‘accessory to the crime’.

Si Takahashi ang babaing nakita sa viral video na pilit na inaawat si Lim.

Subalit ayon kay Cebu City Police chief Sr. Supt. Joel Doria, maaaring maharap din sa kaso ang babae dahil hindi ito tumawag ng awtoridad matapos magpaputok ang kaniyang kasintahan; bagkus ay sumama pa ito sa lalaki na tumakas sa kanilang sasakyan.