Task force para sa kaso ng napatay na PLMar prof, inilunsad; killer hina-hunting na

Image from Anthz Perez Venus Facebook postImage from Anthz Perez Venus Facebook post

MAYNILA, Pilipinas – Inilunsad ng Eastern Police District (EPD) ang isang ‘task force’ na tutugis sa killer ni Dr. Alfredo Dimaano; ang 44 anyos na propesor at VP for Academic Services ng Pamantasan ng Lungsod ng Marikina (PLMar) na natagpuang patay sa loob ng kaniyang inuupahang bahay Miyerkules ng umaga.

Ayon kay EPD director Chief Superintendent Romulo Sapitula, tatagurian itong “Special Investigation Task Group (SITG) Professor” at pangungunahan ni Chief Inspector Joven Lagra, deputy for operations ng Marikina police.

Nitong Miyerkules, inilabas ang isang CCTV sa barangay na nagpapakita sa posibleng suspek sa pagpatay kay Dimaano. Ito ay nakasombrero at may dalang bag habang papalabas ng bahay ng biktima.

Tinatayang nasa edad 18 hanggang 20 ang naturang lalaki at may taas na 5’2”. Posible rin umanong estudyante ni Dimaano ang suspek.

Una nang napaulat na nawawala ang cellphone at ilang gamit ng biktima matapos ang pangyayari. Isa sa tinitingnang anggulo sa kaso ay pagnanakaw.

Bagama’t itinuturing na suspek ang naturang lalaki na nahagip sa CCTV, hindi pa rin umano isinasantabi ng pulisya ang anggulo na maaaring may kinalaman sa trabaho ni Dimaano ang pagpatay rito.

Maging ang kasambahay umano ng biktima na si Glen Palasa ay itinuturing ding ‘person of interest’ sa kaso dahil isa siya sa huling nakasama ng propesor sa bahay.

Lumalabas sa imbestigasyon na nagtamo ng pitong tama ng saksak si Dimaano sa leeg at sa dibdib nito. Wala rin daw nakitang palatandaan na nanlaban ito kaya posibleng sinakal muna ang biktima gamit ang isang tuwalya.

Loading...