TESDA chief: Hindi dapat payagang magtrabaho overseas ang mga Pinay upang hindi maabuso

Image from DWIZ Image from DWIZ

Kung siya lang raw ang masusunod ay hindi dapat payagan ng pamahalaan na magtrabaho sa ibayong-dagat ang mga Pinay upang maprotektahan sila sa mga pang-aabuso, sabi ni Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) director general secretary Guiling Mamondiong.

“Kung ako ang tatanungin, ayaw kong magpadala ng mga kababihan sa ibang bansa upang doon magtrabaho. Nabibiktima lang sila doon ng pang-aabuso. Dapat gumawa ng mga trabaho at pangkabuhayan ang pamahalaan para sa kanila. Ang pagtatrabaho sa ibang bansa ay isang uri ng pang-aalipin,” anang TESDA chief.

“Anong klase ng gobyerno tayo kung hindi nating kayang bigyan ng trabaho at hanapbuhay ang ating mga kababayan? Naririto tayo dahil sa ating mga ina pero ipinapadala natin sila sa ibang bansa upang maging alipin. Pag-isipan natin ito at magtulungan tayo na makahanap ng solusyon at masagot ang problema ng mga kababaihan,” dagdag pa ni Mamondiong.

Ayon sa Manila Standard, ginawa ni Mamondiong ang kanyang pahayag sa pirmahan ng memorandum of agreement sa pagitan ng TESDA at mga opisyal ng Metropolitan Manila Development Authority na layong magbigay ng special livelihood training sa MMDA personnel at kanilang pamilya.

 

Loading...