Theoretical physicist Stephen Hawking mabilis na pumayag sa alok na maglakbay sa kalawakan

Image from David Reneke Image from David Reneke

Hindi inaasahan ng British cosmologist at theoretical physicist na si Prof. Stephen Hawking na mabibigyan siya ng pagkakataon na makapaglakbay sa kalawakan.

Sa isang panayam sa programang “Good Morning Britain” kung saan tinalakay niya ang depinisyon niya ng kaligayahan,  sinabi ng 75-anyos na si Hawking na nagdala ng lubos na kagalakan sa kanya ang tatlo niyang anak at pagkatapos ay sinabi pa niya na “sasabihin ko sa ‘yo kung ano ang makapagpapaligaya sa akin – ang maglakbay sa kalawakan.”

Ayon sa ulat ng The Sun, sinabi umano ni Hawking na inalok siya ng English magnate at philanthropist na si Richard Branson, ang may-ari ng Virgin Group na kumokontrol sa 400 na kumpanya, na bibigyan siya ng isang libreng upuan sa Virgin Galactic para sa pagkakataong magtungo sa kalawakan.

Hindi maitago ng siyentista ang lubos na kaligayahan nang sabihin niyang agad-agad niyang tinanggap ang alok ng negosyante.

Ang Virgin Galactic, isa sa 400 kumpanya ni Branson, ay isang spaceflight company na naglalayong magdala ng mga turista sa kalawakan.