Tricycle driver sa Bicol, pinuri matapos magsauli ng wallet na may lamang P20K

Image from Paracale Maps Facebook pageImage from Paracale Maps Facebook page

MAYNILA, Pilipinas – Hinangaan sa kaniyang katapatan ang isang tricycle driver sa Camarines Norte matapos nitong i-turn over sa Philippine National Police (PNP) ang napulot na pitaka na may lamang P20,000.

Kuwento ni Nelson Dar, 32 anyos at isang tricycle driver sa bayan ng Paracale, namamasada umano siya nang matagpuan ang wallet sa gilid ng kalsada malapit sa kanilang lugar sa Barangay Dalnac.

Nang buksan ito ay nakitang may lamang malaking halaga na hindi bababa sa P20,000. Hindi naman nagdalawang-isip si Dar na isauli ang pitaka sa may-ari nito kaya nagpasiyang dalhin ito sa opisina ng PNP sa nasabing bayan.

Napag-alaman kay SPO1 Michael Sorla ng Paracale-PNP na ang may-ari ng wallet ay si Benito Pantaleon Jr. ng San Rafael, Bulacan mula sa mga resibong nakita sa loob.

Nanawagan din ang Paracale-PNP sa may-ari na makipag-ugnayan sa kanila upang maibalik dito ang kaniyang pitaka.

 Pinuri naman ng kapulisan at mga netizen ang ipinakitang katapatan ng tricycle driver.

Ayon naman kay Dar, mahirap lamang sila at sa kabila ng matinding pangangailangan sa pera ay hindi sumagi sa isip niya na pag-interesan ang laman ng napulot na wallet.

Samantala, ibinahagi ng Paracale Mps Facebook page ang panawagang ito:

Dahil sa social media, natunton na ang kaanak ng may-ari ng wallet at nagpahatid na ng pasasalamat:

“Thank you po Nelson Dar…Isa po kayong halimbawa ng may mabuting loob, bibihira na po sa ngayon ang tulad nyo…Maraming salamat po sa pagbalik ng walet ng kapatid ko at sa pag-report po sa Paracale Mps…God bless you po…Mula po sa Pantaleon Family taos puso po kami nagpapasalamat sa kabutihang loob na pinakita po nyo, saludo po kami sa inyo mang Nelson…Mabuhay ang mga Bikolano!”