Trillanes: ‘Political Diversions’ ang Ginagawa ni Duterte sa Usaping ‘Impeachment’

Larawan mula sa Interaksyon

Iginiit ni Senador Antonio Trillanes IV nitong Martes na “political diversions” ang ginagawa nina Pangulong Rodrigo Duterte at ng mga kaalyado nito hinggil sa impeachment complaint na inihain laban pangulo.

Ayon kay Trillanes, kailangan nina Duterte na siraan at pagbantaan si Bise Pangulo Leni Robredo upang malihis ang atensyon ng tao.

Ani Trillanes: “Political diversions ‘yan. They need to demonize the Vice President para ma-divert yung attention ng tao.”

Dinepensahan din ni Trillanes si Robredo. Aniya, ginagawa nito nang mabuti ang kanyang trabaho.

Pinangatwiran din ni Trillanes ang sinasabing “betrayal of public trust” na patungkol kay Robredo. Sinabi rin niya na ito ang huling bagay na maaaring ibintang kay Robredo dahil mabait, disenteng tao at hindi ito ambisyosa.

“Hindi mo masasabi na [may] acts of betrayal of public trust or mag-i-indicate na atat na atat siya maging Presidente,” turan ni Trillanes.

Sinabi rin ni Trillanes na hindi na rin siya masusupresa kung ang impeachment complaint kay Robredo ay matuloy kahit na ito ay walang basehan.

“‘Yan ang gusto nilang mangyari para matakot ‘yung prospective political opposition,” saad ni Trillanes

Sa inisyal na ulat ng CNN Philippines, sinabi ni House Speaker Pantaleon Alvarez na tinitingnan niya ang posibilidad ng pagsampa ng impeachment kay Robredo dahil sa “betrayal of public trust” kaugnay ng ‘palit-ulo’ na pahayag ni Robredo sa United Nations Commission on Narcotic Drugs na umano’y “treasonous act”.

Ito’y hinggil sa isang video na ipinadala sa isang pulong ng United Nations Commission na nagsasabi ng diumano’y “palit-ulo” scheme at warrantless arrest na ginagawa sa mga mahihirap na komunidad sa Metro Manila.

Ayon sa ulat ng GMA, binanggit ni Duterte sa Filipino community sa Myanmar na nagmamadali si Robredo na maging pangulo.

“Mga kalaban ko, gusto ako… Si Leni apurado masyado maging President,” saad ni Duterte.