US philantrophist David Rockefeller, pumanaw na sa edad na 101

David Rockefeller| Image from Before It's News

MAYNILA, Pilipinas – Pumanaw na nitong Lunes sa edad na 101 ang isa sa pinakamayaman at sikat na pilantropo sa Amerika na si David Rockefeller.

Si Rockefeller ang pinakabatang apo ni John D. Rockefeller, ang nagtatag ng Standard Oil at sinasabing kauna-unahang bilyonaryo sa Amerika. Siya ay pumanaw sa kanilang mala-palasyong tahanan sa Pocantico Hills, New York dahil sa sakit sa puso.

Si David Rockefeller din ang itinuturing na pinakamatandang bilyonaryo sa mundo. Ang kanyang yaman ay tinatayang aabot sa $60-B bago siya namatay. Kamakailan lamang ay napasama siya sa listahan ng pinakamayayamang tao sa mundo ng Forbes’ bilang pang-60.

Ang pamilya ng Rockefeller ay isa sa pinakama-impluwensiyang pamilya sa US, at maging sa buong mundo.

Bagama’t hindi pinasok ni David ang mundo ng pulitika, dalawa sa kaniyang kapatid ang nagsilbi sa gobyerno – si Nelson Rockefeller na nagsilbi bilang gobernador ng New York at panandaliang naging Bise Presidente, at si Winthrop Rockefeller na naging gobernador naman ng Arkansas.

Si David ay  tumanggap ng Ph.D. sa Economics mula University of Chicago. Pinamahalaan niya ng ilang taon ang Chase National Bank, ang kauna-unahang bangko na nakapagtayo ng opisina sa Soviet Union at sa China.

Bilang isang avid art collector, ilan sa kaniyang mga koleksiyon ay mga gawa nina Picasso, Monet at Rothko.

Bumalik sa pribadong buhay si David Rockefeller noong 1981 sa edad na 65.

Naiwan ng yumaong pilantropo ang kaniyang 5 anak, 10 apo, at 10 apo sa tuhod.