Utak sa likod ng “Rent-Tangay” scam, arestado na

Image capture of video by GMA News

Isa sa pinaniniwalaang mastermind sa car rental o “rent-tangay” scam na si Rafaela Anunciacion ay inaresto sa Sta. Rosa, Laguna Huwebes ng gabi, ika-2 ng Marso.

Dinala ang suspek sa Camp Vicente Lim sa Canlubang, Laguna kung saan bantay-sarado siya ng mga pulis sa pangambang buweltahan siya ng mga nabiktima ng scam, na isa-isang nagdatingan sa kampo.

“Kulang pa ‘yung pagkulong kay Ela, sobrang dami niyang naapektuhan or nasira,” sabi ng isa sa mga biktima sa panayam nito sa GMA.

Ayon sa datos ng Philippine National Police ay nasa 500 ang mga nabiktima ni Asunciacion, ngunit naniniwala ang kapulisan na marami pa ang hindi pa lumalantad upang magreklamo.

Nauna nang nahuli at nakakulong sa Biñan Police headquarters ang isa pang pinaniniwalaang mastermind ng scam na si Tychicus Historillo Nambio.

Ang mga humigit-kumulang 500 sasakyang nabawi mula sa grupo nina Anunciacion at Nambio ay kasalukuyang naka-impound sa police headquarters sa Cavite at Laguna.

Ang modus ng grupo ay kukumbinsihin ang may-ari ng mga bagong sasakyan na parentahan sa kanila ang mga ito para kumita sila buwan-buwan, pero isasanla sa iba ang mga narentahang sasakyan at hindi na mababawi ng may-ari.

Narito ang ulat mula sa Saksi ng GMA Network: