Vice Ganda sa death penalty: ‘Di makapagbibigay ng katarungan sa akin ang patayin din iyong pumatay sa tatay ko

Imahe mula sa FacebookImahe mula sa Facebook

Isa ang popular na komedyanteng si Vice Ganda sa mga nawalan ng magulang dahil sa isang brutal na pagpatay — gayunman, nananatili siyang hindi pabor sa death penalty.

Ayon sa ABS-CBN News, bagama’t isang malagim na trahedya para kay Vice ang pagkakabaril sa kanyang ama sa mismong harapan niya noong 1991, hindi pa rin daw sapat na dahilan ito para sa kanya upang pumabor sa parusang kamatayan.

“Hindi makakapagbigay ng katarungan sa akin, bilang naulila, ang patayin din iyong pumatay sa tatay ko,” sabi niya.

Bagamat sobrang hirap daw para kay Vice na tanggapin na lamang ang lahat, mas pinili pa rin daw niya na patawarin na lamang ang pumatay sa kanyang ama, na hanggang ngayon ay nananatiling malaya.

“Yung tatay mo duguan, ‘yung tatay ko dinala namin sa Chinese General Hospital, tapos ganun, patay, namatay sa paa ko ‘yung tatay ko…. Sobrang bigat, pero kasi, ano ako, e, kasi ‘yung problema ko, gusto kong solusyunan agad, ayokong patagalin,” wika niya.

Kuwento pa niya, kapag nakikita niya ngayon ang pumaslang sa kanyang ama ay nagagawa pa niyang batiin ito kapag nakikita niya.

“Pero ngayon nga, nakikita ko ‘yung pumatay sa tatay ko, okay na lang, binabati ko siya pati ‘yung mga anak niya,” sabi niya.

Ayon kay Vice, walang sinumang bata ang nararapat na makadama sa sakit na naramdaman niya noong maulila siya sa ama.

“Walang sinumang bata, walang sinumang anak ang nakaka-deserve ng ganoong bagay, ang mawalan ng magulang sa pamamagitan ng pagpatay. Kaya hindi ako naniniwala na dapat may pinapatay dahil mahalagang-mahalaga iyong buhay,” aniya.