[Video] Dalquez, Veloso nasa ‘Death row’; Migrante International Muling Nangalampag sa Pamahalaan

Image capture of video by ABS-CBN News via You Tube accountImage capture of video by ABS-CBN News via You Tube account

Muling nangalampag ang Migrante International sa pamahalaan hinggil sa umano’y kakulangan ng aksyon sa mga kaso nina Jennifer Dalquez at Mary Jane Veloso na nasa death row.

Si Jennifer Dalquez, isang domestic helper sa Abu Dhabi, United Arab Emirates (UAE), ay nakatakdang hatulan nitong Lunes dahil sa pagkakapatay niya sa kanyang employer noong 2014, ngunit ipinagpaliban ito ng korte hanggang sa Abril.

Ayon sa Philippine embassy sa Abu Dhabi, inutusan ng korte na magpakita ang dalawang anak ng umano’y napatay ni Dalquez, ngunit hindi nagpakita sa korte ang isa sa mga anak.

Ayon sa Migrante, malinaw na ipinagtanggol lang ni Dalquez ang kanyang sarili nang tangkain siyang halayin ng kanyang among pulis.

Naantala naman ang pagkamit ng hustisya ni Mary Jane Veloso na nahatulan ng bitay sa kasong drug trafficking sa Indonesia.

Nagbigay ng temporary restraining order (TRO) ang Philippines Court of Appeals 11th division para sa salaysay ni Veloso, ayon sa ulat ng Bandila.

Sa inisyal na ulat ng Rappler, sinabi ng korte na nagkaroon ng grave abuse of discretion si Judge Anarica Castillo-Reyes nang inisyu niya ang resolusyon na kunin ang salaysay ni Veloso.

Sumama sa rally at nanawagan din si Celia, ina ni Veloso, kay Pangulong Rodrigo Duterte na suportahan sina Dalquez, Veloso at iba pang mga Pilipino na nasa kulungan at naka-death row.

Ayon sa mga abogadong tumutulong kay Veloso, hindi madaling iapela ang mga kaso ng Overseas Filipino Workers (OFWs) dahil sa dami ng mga balakid sa pamahalaan doon.

Ani Atty. Edre Olalia, mas magiging mahirap ang pagdadaanan ng mga Pilipinong nasa death row kapag naipasa ang death penalty sa Pilipinas dahil wala itong consistency.

Bukod sa rally, nagsagawa rin ng candle lighting ceremony ang mga Migrante bilang simbolo sa pakikiisa sa hirap na pinagdaraanan ng mga manggagawang Pilipino.

Panoorin ang iba pang detalye sa video na ito:

Loading...