[Video] Top 1 sa Physician Licensure Examination na Anak ng Tricycle Driver, Reregaluhan ng Kotse ng Unibersidad

Imahe mula sa video ng GMA

Ang failure ay hindi dapat maging balakid upang maabot ang ating mga pangarap; bagkus maging bagong panimula.

Pagnanais ng maginhawang buhay ang nagtulak sa 30-anyos na anak ng tricycle driver si Karl Emmanuel Mercader upang magpursige na maging doctor at sa resulta ng Physician Licensure Examination ay siya ang nanguna.

Sa rating na 88.58 dinaig ni Karl ng University of Perpetual Help Dalta, Las Piñas ang  1,317 examinees sa buong bansa. 81.13 o 61.73% sa mga kumuha ng pagsusulit ang nakapasa para maging doktor.

Payak lamang ang pamumuhay ni Karl na anak ng abogadang ina at tricycle driver na ama at ika-3 sa limang magkakapatid na nagtulung-tulong  upang makatapos siya ng Medisina.

Ang kaniyang 71-anyos na amang si mang Perfecto ay hindi raw tumigil sa pamamasada upang may maipambaon si Karl, ayon sa ulat ng GMA.

Naging inspirasyon ko po ang mga magulang ko dahil hindi sila nagsawang suportahan ako sa aking pag-aaral lalo na po ang tatay ko po,” ani Karl.

Taong 2011 pa sana nagtapos ng Medisina si Karl ngunit huminto ito sa pag-aaral at dalawang taon itong naging call center agent.

Hiling ng kaniyang mga magulang  at 90-anyos na lola na maging ganap siyang maging doctor kaya bumalik siya sa pag-aaral.

Ang pamunuan ng unibersidad ni Karl ay labis ang katuwaan sa kaniyang tinamong tagumpay.

Ayon kay Dr. Alfonzo Loreto, School Director ng  University of Perpetual Help Dalta, Las Piñas, “For the past 21 years, ito po lamang nagkaroon ng topnotcher  at ang masarap doon number one pa.”

Dahil sa tinamong tagumpay ay balak regaluhan ng unibersidad si Karl ng bagong kotse.

Panoorin ang video na ito ng GMA: