[Viral] Netizen binastos, muntik pang makidnap ng lalaking naka-Innova sa The Fort

Image from Estelle Oandasan Facebook post

MAYNILA, Pilipinas – Ikinuwento ng isang netizen ang isang nakapangingilabot na karanasan na nangyari sa kanya sa loob ng Bonifacio Global City (BGC) sa Taguig City kamakailan lamang.

Ayon sa salaysay ni Estelle Oandasan sa kaniyang Facebook nitong Sabado, muntik na umano siyang makidnap ng lalaking nakasakay ng Innova van sa harap ng St. Luke’s Medical Center sa The Fort habang nag-aabang ng taxi.

Isinugod umano nila ang kaniyang ama sa nasabing pagamutan dahil biglang nanikip ang dibdib. Ngunit kailangan niyang balikan ang cellphone ng kaniyang mga magulang sa kanilang tinitirhan dahil nandoon ang mga mahahalagang detalye para makontak ang kanilang mga kamag-anak.

Habang nag-aabang ng masasakyan sa tapat ng S&R The Fort, may huminto umano na isang brown na Innova van at tumagal ito ng halos 10 minuto sa kaniyang harapan bandang alas-2:30 ng madaling-araw.

Makaraan ang ilang sandali, ibinaba umano ng driver ang salamin ng bintana at biglang nagsabing may gusto lang itong itanong.

Subalit laking gulat umano niya nang biglang inilabas ng driver ang kaniyang ari at may lumabas na lalaki sa likod niya at hinawakan siya nang mahigpit sa braso.

Mabuti na lamang umano na nagpilit siyang humulagpos sabay takbo nang mabilis papalayo. Nakunan niya rin umano ng larawan ang naturang sasakyan na may plate number na AAJ 7450 bago kumaripas ng pagmamaneho ang Innova.

“Kuya, kung sino man ho kayo sana wala na ho kayong iba pang nabiktima pa. Nakakatakot at baka ang mga babaeng walang pwersa ay naisakay niyo sa sasakyan niyo at baka kung anong pang-aabuso na ang nagawa niyo sakanila,” anang netizen sa kaniyang post.

Nais lang daw niyang ibahagi ang kuwento para mabalaan ang ibang babae sa lugar na maaaring mabiktima din ng nasabing sasakyan. Dagdag ingat po sa mga kababaihan.

Basahin ang buong kuwento ni Estelle Oandasan DITO:

>

Source :

Facebook