15-anyos na dalagita, himalang nakaligtas matapos mabangga ng PNR train

Image by Mithril Cloud/CC BY-SA 3.0

Isang kinse-anyos na dalagita ang himalang nakaligtas at walang tinamong malaking pinsala matapos siyang mabangga ng isang tren ng Philippine National Railways (PNR) sa Maynila.

Ayon sa ulat ng GMA, naganap ang insidente Linggo ng umaga, ika-23 ng Abril, sa Tayuman Street sa distrito ng Tondo habang tumatawid sa riles ang biktima na hindi napansin ang paparating na PNR train. Sa lakas umano ng pagkakasalpok sa dalagita ay tumilapon ito sa gilid ng riles bago nawalan ng malay-tao.

Bagaman nagtamo ng sugat sa ulo, isa umanong himala ang nangyari dahil hindi malaking pinsala ang tinamo ng biktima na kinilalang si Karen Joy Bogarin ng Makulada Street,Tayuman, Tondo na ngayon ay nagpapagaling sa isang ospital.

 Ayon sa mga awtoridad, hindi umano narinig ng dalagita ang silbato ng paparating na tren dahil may pinakikinggan ito sa kanyang headset habang tumatawid ng riles.

Muli namang nagpaalala sa publiko ang pamunuan ng PNR na mag-ingat sa pagtawid ng riles at agad na lumayo sa riles kapag may paparating na tren.